Hanapin ang sarili mong daan sa mga kwento ng iba..dito sa Tumana
Ang Piping Saksi
November 24, 2011
Nakakapagtaka. Mapapa-isip ka. Ano motibo? Bakit na lang bigla-bigla, mayroon isang lupon ng nag-rereklamo laban sa isang tao.
Ang mga reklamo, mas panis pa sa pansit na inihain noong huling pasko. Bakit kamo? Saan ka naman nakakita ng isang nag reklamo na dalawang taon na ang nakaraan ng sinasabi niyang insidente?
Saan ka nakakita ng nag reklamo na mayroon din naman siyang pag-uudyok doon sa kanyang nirereklamo? Beh…di kaya “provocation” tawag dun?
Saan ka nakita ng nagreklamo na pumayag sa isang “one-night stand”, pero, nang binigyan ng “good night kiss” kinalaunan eh….”below the belt” na daw?
Saan ka nakakita ng nagreklamo, tatlong taon na nakaraan ng nag te-text sila ng kahalayan eh alam naman nilang parehong “joke-joke” lang. Pero pag dating ng kasalukuyang taon eh saka siya nabastusan na. Tagal naman umepekto ‘te.
Saan ka nakakita ng nagreklamo ng pangigipit eh yung reklamador mismo nag-bigay ng “multiple-choice questions ” kung ano gusto pang-hahalay ang gawin sa kanya?
Malikot daw ang kamay…mabilis dumapo sa mga balikat, baywang, at likod. ‘Te, sa tingin mo magagawa yan sa harap ng dalawamput-apat na tao? Bakit walang testigo?
Mahirap mag-salita. Minorya lang ang boses ko at walang binesa ang opinion ko sa usaping ito. Pede sanang lumuban ang inireklamo tungkol sa mga akusasyon na ito. Tama lang naman diba? Para malaman na kung ano talaga ang tototo! Pero ginipit ninyo siya upang siya ay “kusang magbitiw” sa tungkulin sa pangakong makuha ang huling sahod at “clearance”.
Ate, baka balikan kayo ng “constructive dismissal” sa Department of Labor dahil hindi ninyo binigyan ng “due process”. Hindi na lumaban ang inireklamo. Hindi ninyo siya pinadaan sa tamang proseso. Eh ang daming butas sa mga testimonya ng mga nagrereklamo.
Sa labanang ito, isa lang ang tiyak - walang panalo dito, puro talunan.
Sa inireklamo, hindi na niya maipagtatangol ang kanyang sarili. Sira na ang kanyang pangalan at karera sa Pabrika ng Posporo. Sa mga nagreklamo, hindi ninyo masasabing nakamit ninyo ang hustisya. Lagi nang may duda sa inyong bersyon ng storya, kasi hindi ninyo pinabayaan maka-sagot ang inireklamo.
Sana, sa mga nag-reklamo, wala sa inyong pinilit lang na mag-salita laban sa inireklamo. Sana ang pag re-reklamo ninyo ay bunga ng tunay na kamuhian sa mga pangayayari. Pero mga ‘te, kataka-taka ang “timing”ng inyong mga reklamo. Sabi ko nga, panis na ang inihain ninyong mga akusasyon.
Mayroong aalis pero ang daming tanong at haka-haka kung ano ang tunay na mga pangyayari sa kanyang paglisan.


